Thursday, June 25, 2009

KONTRA PLANTA NG MINAHAN PINAGTIBAY SA STA. CRUZ

Bongbong B. Marquez at Arcris D. Canillo









TUTOL SA PLANTA NG MINAHAN. Nagkakaisa ang mga opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Mindoro at mga mamamayan sa pagtutol sa pagmimina at pagpapagawa ng planta ng minahan sa alinman lugar sa isla.


STA. CRUZ, Kanlurang Mindoro- Matapos maisagawa ng Sangguniang Bayan ng Sta. Cruz ang konsultasyon nitong nakaraang Hunyo 15, 2009 ukol sa panukalang pagtatayo ng High Pressure Acid Leach (HPAL) plant sa Barangay Pinagturilan o saan mang lugar sa bayang ito ng Intex Resources, pinagtibay ng Sangguniang Bayan ang Resolution No. 19, Series of 2009 na tumututol sa sa panukalang planta ng minahan.

Bago pa man ang konsultasyon ng SB, isang kilos- protesta na ang inilunsad ng Parokya ng Banal na Krus, Apostoliko Bikaryato ng San Jose, KAAGAPAY NGO- PO Network at Alyansa Laban sa Mina (ALAMIN). Kahit na napalakas ng ulan dahil sa Low Pressure Area (LPA), tinatayang nasa 2, 000 pa rin ang nakilahok.

Ang resolusyon kontra planta ay panukala ni Sangguniang Bayan Genesis M. Gatdula at may pagsang- ayon nina Sangguniang Bayan Diosdado Serrano, Mabelle M. Castro, Manuel Viray, Ernesto Torreliza, Ote Jalmasco, Johnny Ramos at ABC President Darwin G. Gonzales samantalang di naman dumalo si SB Damsy Malabanan at ikinonsiderang pabor ang boto ni SK Municipal President Mark Galsim na kagyat na umalis sa sesyon pagkaraang matalo sa botohan ang panukalang resolusyon nito pabor sa HPAL.

Binigyang diin ni Gatdula na ang pagpapasa ng SB ng resolusyon kontra mina ay paggampan nila sa kanilang tungkulin bilang Sanggunian. “Ayaw ng nakakaraming mamamayan ng Sta. Cruz sa planta ng minahan, hindi namin sila pwedeng biguin”. Tinimbang din diumano ng SB ang mga implikasyon nito sa agrikultura at pangisdaan. Nasa 1000 ektarya ang kakailanganin ng planta ng minahan at lupang agrikultural ang kalakhan ng tatamaan.

Hindi rin maiaalis ang kaugnay ng planta sa akwal na pagmimina. Ang pagbungkal ng mga puno sa aktwal na operasyon ng pagmimina ay nangangahulugan ng pagkaubos ng imbak na tubig na pangunahing kailangan sa sakahan.

Bahagi rin ng Lupaing Ninuno ng Mangyan Alangan at Mangyan Tadyawan ang aplikasyon ng AMC- Intex at dapat na may malaya, nauunawaan at naunang pagpayag ang mga katutubo bagay na hindi nagawa ng kompanya at kung mayroon man, isa itong mapandayang dokumento.

Naging kontrobersyal at panlalawigang isyu ang panukalang planta ng Intex Resources sa Sta. Cruz dahil sa kawalan nito ng pagkukunan nitong mineral. Matatandaan na nasa bayan ng Victoria, Silangang Mindoro ay Pag- asa, Sablayan, Kanlurang Mindoro ang aplikasyon ng Aglubang Mining Corporation at Intex para magmina ng nickel at cobalt sa ilalim ng Mindoro Nickel Project na kapwa naman may 25 taong moratoryum sa pagmimina.

Ayon kay Vice- Mayor Eduardo B. Gadiano ng Sablayan, bakit kailangan magpagawa ng planta kung walang miminahin? Para saan ito? Siguradong hindi uubra sa Silangang Mindoro at Sablayan ang pagmimina sapagkat bukod sa may lokal na batas na nagtatakda ng moratoryum, matibay ang paninindigan ng mga opisyales ng Lokal na Pamahalaan at mamamayan kontra sa proyekto.

“Manliligaw pa rin kami, kahit ayaw ninyo at hindi kami magsasawa, hanggang sa makamit namin ang inyong pagpayag sa mina”, pahayag naman ni Atty. Ben de los Reyes ng Intex.

Sa Sablayan, pinagtibay ang Resolution No. 2009- GGM015 ng Sangguniang Bayan na nagpapahayag ng pagtutol sa pagtatayo ng plantang HPAL sa alinmang bahagi ng lalawigan. Gayundin ang nilalaman ng Kapasyahan Bilang 13 ng Liga ng mga Barangay ng Sablayan.

Ayon kina Fr. Edwin A. Gariguez, Ph.D, Fr. Richard Castillo, Fr. Dick Guillermo at Monsigñor Ruben Villanueva ang pagtatayo ng planta ay isang delikadong proyekto. Kahit na walang pagmiminang mangyari dahil sa moratoryum, posible pa rin ang operasyon nito dahil maaaring dito isigawa ang pagproproseso ng nickel mula sa ibang kompanya ng minahan kaysa dalhin sa ibang bansa.

Pinangangambahang hazardous waste ang maiiwan sa bayan ng Sta. Cruz sakaling ito’y pahintulutan.

Thursday, June 18, 2009

SABWATANG INTEX- EMB, PUBLIC HEARING

Bongbong B. Marquez

MAMBURAO, Kanlurang Mindoro- Nagsama- sama ang nasa humigit sa limang libong Mindoreño sa kilos protesta “KONTRA PAGMIMINA” mula sa bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Sta. Cruz, Mamburao, Paluan at Abra de Ilog kahapon, Mayo 27, 2009 upang kondinahin ang tahasang manipulasyon sa proseso ng batas sa pagsasagawa ng pampublikong pagdinig kaugnay ng Environmental Impact Assessment (EIA) sa aplikasyon ng Intex Resources na makapagmina ng nickel at cobalt sa kabundukan ng Pag- asa, Sablayan, Kanlurang Mindoro at Villa Cervesa, Victoria, Silangang Mindoro.

Matatandaan na ang Intex at dating Mindex, Alag- ag, Aglubang, Crew Mineral at ngayon ay Intex na may- ari ng Mindoro Nickel Project at may aplikasyon sa pagmimina sa 9, 720 ektaryang pagitan ng Pag- asa, Sablayan, at Villa Cervesa, Victoria. Saklaw ng kanilang aplikasyon ang Lupaing Ninuno ng Mangyan Tadyawan at Mangyan Alangan, critical watershed, sentro ng Mindoro Fault Line at Aglubang Fault at bahagi ng mayamang kagubatan ng Mindoro.

Ayon kay Bise- Gobernador Mario Gene J. Mendiola ng Kanlurang Mindoro, ang kanilang pagtutol sa isinagawang pampublikong konsultasyon/ pagdinig sa bayan ng Mamburao ay nakabase sa kapangyarihang ipinagkaloob sa Seksyon 468, Batas Republika 7160 na pangalagaan ang kalikasan, na maliwanag na sisirain ng pagmimina.

Ipinasa rin ang SP Resolution No. 63, Series of 2009, kinondina rin ang pagdadaos ng pampublikong pagdinig sa bayan ng Mamburao, isa sa malayong bayan sa Sablayan na siyang apektadong komunidad. Labag sa proseso ng batas ang bagay na ito, dapat anya sa apektadong isagawa ang pampublikong pagdinig. Wala ring kopya ng Environmental Impact Statement (EIS) na dapat paunang naipagkakaloob sa mga tao at pamayanang sangkot ayon sa proseso ng batas.

Samantala, ang Sangguniang Bayan ng Sablayan, Kanlurang Mindoro ay nagpasa rin ng Resolution No. 2009- GGM014 na nagpapahayag ng di pagsang- ayon sa proseso Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR. Matatandaan na noong Disyembre 10, 2007, pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Sablayan ang Ordinance No. 2007- GO03B na nagtatakda ng 25- taong moratoryum sa pagmimina kaya’t ang pagproseso ng anomang may kaugnay sa pagmimina sa panahong may bisa ang ordinansa ay itinuturing na labag sa batas.

Binigyang diin ni Punong Bayan Eric A. Constantino ng Abra de Ilog, Punong Bayan Godofredo B. Mintu at Pangalawang Punong Bayan Eduardo B. Gadiano ng Sablayan ang utonomiyang itinakda ng Lokal na Pamahalaan sa ilalim ng Batas Republika 7160. Dapat anyang irespeto ito ng estado.

Sa panig ng Liga ng mga Barangay ng Sablayan, ipinagtibay din ang Kapasyahan Bilang 12 na kumukondina rin sa prosesong isinagawa ng EMB. Ayon kay Punong Barangay Noel A. Yasay ng Ilvita, maraming paglabag sa pampublikong padinig kagaya ng deployment ng mga pulis, military, police auxiliary at barangay tanod at paglalagay ng mga barikada para lamang lamang sa mga kontra mina samantalang ang mga pabor ay malayang nakakapasok sa loob ng Mamburao Gym. Hindi rin maaaring ipasok ang mga streamers, placards at banners ng tutol sa mina, samantalang ang pabor ay maaaring ipasok sa loob.

Dismayado rin ang Simbahang Romano Katoliko sa proseso. Ayon kina Bishop Antonio P. Palang, SVD. DD., Monsignor Ruben “Jun” Villanueva, Fr. Dick Guillermo at Fr. Richard Castillo, ngayon lamang nila nasaksihan ang pagdadaos ng pampublikong pagdinig sa lugar na hindi apektado ng usapin at paglilimita sa maaaring makibahagi. Tahasan anyang paglabag ito sa karapatang pantao.

Tutol din sa pagmimina ang mga katutubo. Ayon kay Juanito Lumawig ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro (PASAKAMI), direktang niyuyurakan ng pamahalaang nasyunal ang karapatan ng mga katutubo sa buhay at salalayan ng buhay sa usapin ng pagmimina. Ang mga sagradong lugar, critical watersheds at mayamang kagubatan ay wawasakin ng Mindoro Nickel Project kapalit ng pangakong pakinabang.

Wala anyang katumbas na halaga ang biyayang tinatamasa nila sa kalikasan kagaya ng malinis na hangin at tubig.

Maging ang KAAGAPAY NGO- PO Network (koalisyong ng ibat- ibang batayang sektor sa Kanlurang Mindoro) ay dismayado rin sa proseso. Ayon kay Chairman JUanito P. Esteban, Jr. maliwanag ang sabwatan ng EMB at Intex sa pagsasagawa ng pampublikong pagdinig. Ilan sa katunayan nito ay ang pagpapadala ng Intex Resources ng imbitasyon at pangangasiwa ng mga ito sa pagdinig, bagay na dapat ay tungkulin ng EMB.

Hindi man napigilan ang pagdinig sa kabila ng direkta at indirektang paglabag sa proseso at batas, maituturing pa ring tagumpay ang pagkilos ng mga Mindoreño sapagkat naipakita nila sa Intex, EMB at halos 700 pabor sa mina na nasa loob ng Mamburao Gym ang malakas na panawagan ng nakakarami sa usapin ng pagtutol sa pagmimina.

Samantala, ganap na ika- 2 ng hapon naman, isinagawa sa bayan ng Sta. Cruz ang kilos- protesta ng nasa 2 libong Mindoreño kontra naman sa panukalang pagtatayo ng planta ng Intex sa Barangay Pinagturilan.

Ayon kay Sangguniang Bayan Genesis M. Gatdula, agrikultura ang pangunahin nilang kabuhayan. Hindi ito ipagpapalit sa pagmimina na kung mayroon mang makikinabang ay iilan lamang.

Divide and rule tactics ang pamamaraang ginagamit ng Intex Resources upang pahinain ang maigting na pagtutol ng mga tao, hindi dapat anyang paguyo dito.

Ilan sa mga pabor sa mina na ayaw pabanggit ang pangalan ang nagpahayag na kaya sila sumasang- ayon ay dahil sa pangakong trabaho ng Intex Resources, at hindi sa personal nilang kagustuhan.

Sa kasalukuyan, pinaghahandaan ng mga kontra mina ang prosesong legal upang hindi maging batayan sa pagkakaloob ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang anomang resulta ng isinagawang pampublikong pagdinig.