Monday, September 22, 2008

PANININDIGAN LABAN SA PAGMIMINA, ISINABATAS SA ISLA NG LOOC-LUBANG

ni Bongbong B. Marquez

ISLA NG LUBANG, Kanlurang Mindoro- Ganap na isinabatas ng bayan ng Looc ang kanilang paninindigan laban sa pagmimina sa isla sa pamamagitan ng pagpapatibay sa Pambayang Ordinansa Bilang 09, Serye 2008 o “Ordinansang nagtatakda ng 25 taon moratoryum sa pagmimina sa bayan ng Looc”.

Ayon kina Presiding Officer Pro- Tempore Marlon V. de la Torre, mga Sangguniang Bayan na sina Reynaldo V. Trambulo, Leonardo D. Tristan, Dionisio T. Tividad, Jose M. Ambrocio, Rommel T. Villar, Ponciano V. Villas, Marissa A. Gumandoy, ABC President Edgardo L. Tria at SK Federation President Johnsen Clyde T. de Lemos, minabuti nila anyang isinabatas ang paninindigan ng Lokal na Pamahalaan ng lahat ng sektor sa Looc upang masagkaan anya nila ang anomang banta ng pagmimina sa isla.

Binigyang diin naman ni Punong Bayan Benjamin N. Tria na hindi angkop ang pagmimina sa isang maliit na bayan ng Looc. Inihalintulad niya ang naging karanasan ng isla ng Rapu- Rapu sa lalawigan ng Albay kung mas malaki ang napinsala kaysa sinasabing pakinabang mula sa industriya ng pagmimina.

Ayon pa kay Punong Bayan Tria, mas pinahahalagahan ng Lokal na Pamahalaan ng Looc ang likas kaya at sustinableng pag- unlad kaysa proyektong sisira ng kalikasan.

Ang mayabong na kalikasan ng Looc ay may kaugnayan sa masaganang ani sa sakahan at maraming huling isda sa karagatan. Ito ang buhay sa isla.

Samantala sa bayan ng Lubang, ipinasa ng Sangguniang Bayan ang Resolusyon Bilang 04, Serye 2008 na inihain ni Sangguniang Bayan Wilbert T. Daulat na nagpapahayag ng maigting na oposisyon sa anomang banta at operasyon ng pagmimina.

Para kay Punong Bayan Juan M. Sanchez, ang nasabing resolusyon ay paunang hakbangin lamang ng Lubang habang isinasagawa pa ang mga konsultasyon para sa pagpapatibay ng moratorium ordinance kagaya ng ipinasa na ng bayan ng Sablayan, Abra de Ilog at Looc.

Hindi anya ikokompormiso ng Lokal na Pamahalaan ang kalikasan, agrikultura, mayaman pangisdaan at eko- turismo sa pangako pag- unlad ng mga kompanya sa pagmimina.

Sa magkakahiwalay na panayam, ipinagmalaki pa nina Punong Bayan Benjamin N. Tria ng Looc at Punong Bayan Juan M. Sanchez ang isang Memorandum of Agreement na nilagdaan sa pagitan ng dalawang bayan sa isla at Conservation International na naglalaman ng tulungan sa pangangalaga ng karagatan at pagtiyak sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan.

Ayon naman kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, JD. Msc., Executive Director ng Upholding Life and Nature (ULAN), napapanahon ang pag- aakda ng mga polisiyang nangangalaga sa kalikasan sa mga panahong ito, lalo na’t ang Pilipinas ay nahaharap sa banta at apekto ng pagbabago ng klima na siyang isa sa pangunahing problema ng mundo.

Sa panig naman ng ibat- ibang kompanya ng pagmimina, patuloy silang manliligaw sa mga Lokal na Pamahalaan at mga tumututol na mamamayan upang mapayagan ang pagbubukas ng industriya sa ilalim ng Pamahalaang Gloria Macapagal- Arroyo.

Susundin anya nila ang mga probisyon ng Philippine Mining Act of 1995.

Wednesday, September 3, 2008

KASUNDUAN SA PAKIKIPAGKAPATIRAN APROBADO SA ABRA DE ILOG AT MAKATI

ni Bongbong B. Marquez


Malugod na tinanggap ni Punong Lungsod Jejomar C. Binay ng Makati ang delegasyon ng bayan ng Abra de Ilog sa pamumuno ni Punong Bayan Eric A. Constantino sa pormal na paglagda ng Kasunduan sa Pakikipagkapatiran ng Makati at Abra de Ilog.


LUNGSOD NG MAKATI- Pinagtibay kamakailan lamang ang Kasunduan ng Pakikipagkatiran sa pagitan ng Lungsod ng Makati at Bayan ng Abra de Ilog, Lalawigan ng Kanlurang Mindoro na ginanap sa mismong tanggapan ni Punong Lungsod Jejomar C. Binay kung saan sinaksihan ito nina Pangalawang Punong Bayan Floro A. Castillo, Sangguniang Bayan Reynaldo T. Belen, Bernardo J. Dacayana, Jr., Nicanor C. Polinag, Iluminado E. Ricalde, Ireneo M. Cortuna, Maximino H. Alvarez, Orlando R. Quito, Manolo A. Zoleta, ABC President Rouseller M. de Jesus at SK Federation President Deo Vadylyn M. Obrador ng Abra de Ilog samantalang mga opisyales naman ng lungsod sa panig ng Makati.

Layunin ng nasabing kasunduan na palakasin ang relasyon at pagkakaibigan ng Abra de Ilog at Makati para sa malakas na ekonomiya at pagpapaunlad ng siyensya at teknolohiya, kultura at sining, turismo, mahusay na pagpaplano, urbanidad, komersyo at pakikipagkalakalan, edukasyon at pagpapaunlad ng palakasan, proteksyon ng kapaligiran, kasiguruhan sa kalusugan ng publiko at pagkakaloob ng mga batayang serbisyo at iba pang pangkagalingang programa at proyekto.

Ayon kay Punong Lungsod Jejomar C. Binay isang mahalagang inisyatiba ng Pamahalaang Lokal ang ganitong klase ng pakikipagkapatiran upang higit na mapalakas ang diwang makabansa at maka- Pilipino. Isang dakilang kultura at kaugalian ng mga Pilipino. Mahalaga anya ang pagtutulungan sa panahong ito lalo na’t ang bansang Pilipinas ay nahaharap sa krisis sa ekonomiya at pagkain.

Binigyang diin naman ni Punong Bayan Eric A. Constantino ng Abra de Ilog na maitatala sa kasaysayan ng Mindoro at Abra de Ilog ang pakikipagkapatirang ito sa isa sa malaki at pinakamayamang lungsod sa bansa.

Bukod sa kauna- unahan ang inisyatibang ito sa Kanlurang Mindoro, inaasahang ang anomang bunga ng pakikipagkapatiran ay patungo sa matibay na relasyon, pagtutulungan at pangkalahatang kagalingan ng Abra de Ilog at Makati.

Ipinagmalaki pa ni Constantino na kahit isang maliit na bayan ang Abra de Ilog, hindi dehado ang Makati sa usaping tulungan sapagkat nasa Abra de Ilog anya ang ilan sa mahalagang pangangailangan ng lungsod kagaya ng pagkain, isda at lakas paggawa.

Dagdag pa dito ang probisyon sa pangangalaga ng kalikasan na tumitiyak sa matibay na paninindigan ng Abra de Ilog laban sa pagmimina kahit pa nasa Makati ang opisina ng mga kompanya ng minahan.

Bagama’t wala pa anyang ispisipikong programa at proyekto ang pagtutulungan ng Makati at Abra de Ilog, naniniwala si Sangguniang Bayan Ireneo M. Cortuna na isa na itong hudyat ng kaunlaran na at matatag na ekonomiya. Arya Abra, Arya pa, ika nga.

Tuesday, September 2, 2008

LEGISLATIVE MEASURES NG SABLAYAN PASOK SA e-LEGIS REFERENCE SYSTEM

ni Bongbong B. Marquez


LEGISLATIVE MEASURES CHAMP: Si Sablayan Vice- Mayor at Occ. Mindoro VMLP President Eduardo B. Gadiano habang ipinakikita ang ngiti ng kagalakan sa pagkakapili ng Sablayan sa e- Legis Reference System ng VMLP



Napili bilang "PILOT LGUs" ang bayan ng Sablayan, Kanlurang Mindoro sa e- Legis Reference System ng Vice- Mayors League of the Philippines (VMLP) at Department of Interior and Local Government (DILG) matapos maisagawa ang ebalwasyon sa ipinapasang resolusyon at ordinansa ng bawat bayan at lungsod sa buong Pilipinas.

Ayon kina Cebu City Vice- Mayor at VMLP National President Michael L. Rama at Tagum City Vice- Mayor at VMLP Secretary- General Allan L. Rellon, natatangi ang mga inisyatibang pang lehislatura ng bayan ng Sablayan sa pamumuno ni Vice- Mayor at VMLP Occidental Mindoro President Eduardo B. Gadiano na dapat anyang tularan ng lahat ng mga lungsod at bayan sa buong bansa.

Ilan sa mga ito ay ang kodipikasyon ng mga batas na nakapaloob sa pangkalahatang ordinansa, kodigo ng ordinansang pangkalikasan, kodigo ng ordinansa sa kapakanan at karapatan ng mga bata, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pamilihang bayan, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pantalan, kodigo ng ordinansa sa lingkurang pambayan, kodigo ng ordinansa sa pagbubuwis at iba pa, samantalang ang mga ipinapasang resolusyon naman ay tumutugon sa General Government Measures (GGM) Social Development Measures (SDM) at Economic Development Measures (SDM).

Ikinagalak ni Gadiano ang pagkilalang ito ng Vice- Mayors League of the Philippines sa mahalagang papel na ginagampan ng Sanggunian Bayan ng Sablayan at Pinunong Nangungulo sa pagpapasa ng mga resolusyon at pagpapatupad ng mga programa at proyektong tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang diin pa ni Gadiano na anomang proyektong pinatutupad ng Punong Bayan ay dumadaan sa masusing pag- aaral, pagsang- ayon ng Sanggunian at paglalapat ng kaukulang lehislasyon.

Ito anya ang diwa ng check and balance system sa pamamahala. Dapat anyang malaman ng taong bayan na anomang proyekto at programa ipinatutupad ng ehekutibo ay may kaukulang lehislasyon at maaaring ituring na iligal kung wala nito.

Mahalagang maunawaan anya ito ng taong bayan upang ang kredito sa mga programa at proyekto ay hindi lamang sa ehekutibo.

Sa pamamagitan ng VMLP e- Legis Reference System, hindi lamang taga- Sablayan ang makikinabang sa lehislasyon nito kundi ang iba pang bayan at lunsod sa buong kapuluan.

Ang karangalang ito ay malugod na tinanggap ng mga mamamayan ng Sablayan. Ayon kay Liga ng mga Barangay Direktor at Punong Barangay ng Ilvita Noel A. Yasay, isang huwarang namumuno si Gadiano at ang kagaya niya ang kailangan ng Sablayan.