Tuesday, September 2, 2008

LEGISLATIVE MEASURES NG SABLAYAN PASOK SA e-LEGIS REFERENCE SYSTEM

ni Bongbong B. Marquez


LEGISLATIVE MEASURES CHAMP: Si Sablayan Vice- Mayor at Occ. Mindoro VMLP President Eduardo B. Gadiano habang ipinakikita ang ngiti ng kagalakan sa pagkakapili ng Sablayan sa e- Legis Reference System ng VMLP



Napili bilang "PILOT LGUs" ang bayan ng Sablayan, Kanlurang Mindoro sa e- Legis Reference System ng Vice- Mayors League of the Philippines (VMLP) at Department of Interior and Local Government (DILG) matapos maisagawa ang ebalwasyon sa ipinapasang resolusyon at ordinansa ng bawat bayan at lungsod sa buong Pilipinas.

Ayon kina Cebu City Vice- Mayor at VMLP National President Michael L. Rama at Tagum City Vice- Mayor at VMLP Secretary- General Allan L. Rellon, natatangi ang mga inisyatibang pang lehislatura ng bayan ng Sablayan sa pamumuno ni Vice- Mayor at VMLP Occidental Mindoro President Eduardo B. Gadiano na dapat anyang tularan ng lahat ng mga lungsod at bayan sa buong bansa.

Ilan sa mga ito ay ang kodipikasyon ng mga batas na nakapaloob sa pangkalahatang ordinansa, kodigo ng ordinansang pangkalikasan, kodigo ng ordinansa sa kapakanan at karapatan ng mga bata, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pamilihang bayan, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pantalan, kodigo ng ordinansa sa lingkurang pambayan, kodigo ng ordinansa sa pagbubuwis at iba pa, samantalang ang mga ipinapasang resolusyon naman ay tumutugon sa General Government Measures (GGM) Social Development Measures (SDM) at Economic Development Measures (SDM).

Ikinagalak ni Gadiano ang pagkilalang ito ng Vice- Mayors League of the Philippines sa mahalagang papel na ginagampan ng Sanggunian Bayan ng Sablayan at Pinunong Nangungulo sa pagpapasa ng mga resolusyon at pagpapatupad ng mga programa at proyektong tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang diin pa ni Gadiano na anomang proyektong pinatutupad ng Punong Bayan ay dumadaan sa masusing pag- aaral, pagsang- ayon ng Sanggunian at paglalapat ng kaukulang lehislasyon.

Ito anya ang diwa ng check and balance system sa pamamahala. Dapat anyang malaman ng taong bayan na anomang proyekto at programa ipinatutupad ng ehekutibo ay may kaukulang lehislasyon at maaaring ituring na iligal kung wala nito.

Mahalagang maunawaan anya ito ng taong bayan upang ang kredito sa mga programa at proyekto ay hindi lamang sa ehekutibo.

Sa pamamagitan ng VMLP e- Legis Reference System, hindi lamang taga- Sablayan ang makikinabang sa lehislasyon nito kundi ang iba pang bayan at lunsod sa buong kapuluan.

Ang karangalang ito ay malugod na tinanggap ng mga mamamayan ng Sablayan. Ayon kay Liga ng mga Barangay Direktor at Punong Barangay ng Ilvita Noel A. Yasay, isang huwarang namumuno si Gadiano at ang kagaya niya ang kailangan ng Sablayan.

1 comment:

Unknown said...

keep up the good work vice. you're a pride of sablayan lgu! and soon to be an inspiration of other towns.