Sunday, November 23, 2008

proteksyon ng kalikasan ay siguruhin, HOUSE BILL 3180 NG MINDORO BIG 3 DAPAT BANTAYAN

ni Bongbong B. Marquez



Ang Mindoro Big 3 at may akda ng House Bill No. 03180. Mula sa kaliwa, Deputy Speaker Ma. Amelita C. Villarosa (Occidental Mindoro) sentrong larawan, Rep. Rodolfo G. Valencia, (1st District- Oriental Mindoro, kanang larawan, Rep. Alfonso V. Umali, Jr. (2nd District, Oriental Mindoro.

ISLA NG MINDORO- Pinababantayan ng Lokal na Pamahalaan ng Sablayan, simbahan at ng ibat- ibang environmental advocates sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro ang Panukulang Batas Bilang 03180 “An act declaring the areas around and between Aglubang- Ibolo Rivers in the Municipalities of Baco, Naujan and Victoria, all in the province of Oriental Mindoro and the Municipality of Sablayan, Occidental Mindoro a Protected Watershed Landscape under the National Integrated Protected Area System and for other purposes” sa Kongreso na isponsor ng tinaguriang Big 3 ng Mindoro. Ito sina Deputy Speaker Ma. Amelita C. Villarosa ng nag- iisang distrito ng Kanlurang Mindoro, Kinatawan Rodolfo G. Valencia (unang distrito) at Kinatawan Alfonso V. Umali, Jr. (ikalawang distrito) ng Silangang Mindoro.

Ayon kina Villarosa, Valencia at Umali, mahalagang maisabatas ang proteksyon ng Aglubang- Ibolo Rivers sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Mindoro sapagkat sa paraang ito, mapapalakas ang mekanismo sa konserbasyon at proteksyon ng kanlungang tubig ng Mindoro at nagsisilbing pakinabang sa sakahan ng dalawang lalawigan.

Binigyang diin naman ni Sablayan Vice- Mayor Eduardo B. Gadiano na bagama’t maganda at akma sa pangangailangan ang pamagat ng nasabing panukalang batas, dapat rin anya itong bantayan partikular na ang Seksyon 12, Mga Probisyon sa Ipinagbabawal na Gawain.

Dapat anya ang bawal ay bawal at ang hindi pwede ay hindi pwede. Kung susuriin diumano ang nilalaman ng nasabing probisyon, maaari pa ring maganap o maisagawa ang mga gawaing ipinagbabawal basta’t may pahintulot ng Protected Area Management Board (PAMB).

Naalarma si Gadiano at ang mga environmental advocates sa Mindoro dahil ang Aglubang- Ibolo ay sentrong aplikasyon ng Mindoro Nickel Project ng Intex Resources upang magmina ng nikel, cobalt at iba pang mineral sa 9, 720 ektaryang kanlungang tubig at Lupaing Ninuno ng mga Tadyawan sa Silangang Mindoro samantalang Mangyan Alangan naman sa Kanlurang Mindoro.

Nakasaad sa Seksyon 12, d ng panukalang batas na maaari pa rin magmina kahit na maideklarang protektadong kanlungang tubig ang Aglubang Ibolo basta’t may pahintulot ng PAMB.

Kakaunting tao lamang ang nasa PAMB at hindi sila ang kumakatawan sa nakakaraming apektado, posibleng makapasok ang proyektong mina kung permiso lang ng PAMB ang kailangan.

Kahit anya may moratoryum na sa pagmimina ang Sablayan at Silangang Mindoro mahalaga anyang bantayan ang HB 03180 na nasa komite ni Kinatawan Iggy Arroyo, tagapangulo sa Lupon ng Kalikasan sa Kongreso.

Ayon naman kay Fr. Anthony L. Tria, SVD., tagapag- ugnay ng Vicarial Indigenous Peoples Apostolate Coordinating Office (VIPACO), ang Ilog Aglubang- Ibolo ay siyang kanlungang tubig ng mga pangunahing ilog sa kalakhan ng mga pangunahing ilog sa Mindoro kagaya ng mga ilog Baco, Victoria, Naujan at Lungsod ng Calapan sa Silangang Mindoro samantalang mga ilog Amnay, Rayusan, Mompong, Lumintao at Busuanga naman sa Kanlurang Mindoro.

Sa mga nasabing ilog umaasa ng patubig ang karamihan sa mga magsasaka ng Mindoro kung kaya’t kinikilala itong food basket sa buong Southern Luzon.

Binigyang diin naman ni Sangguniang Panlalawigan Humerlito Dolor sa nagpagtibay na SP Resolution No. 327- 2008 ng Silangang Mindoro na kailangang mai- deklarang kritikal at protektadong kanlungang tubig ang Ilog Aglubang Ibolo upang maiwasan ang anomang banta sa pagkasira nito sapagkat dito nagmumula ang buhay ng maraming mga magsasaka at mga katutubo. Hiniling din ni Dolor sa nasabing resolusyon ang suporta ni Senador Pia “CompaƱera” Cayetano para magkaroon ng kahalintulad na panukala ang HB No. 03180 sa Senado.

Thursday, November 6, 2008

PROTEKSYON NG APO REEF, PAIIGTINGIN PA

ni Bongbong B. Marquez


Ang Apo Reef Natural Park sa Sablayan, Kanlurang Mindoro ay idineklarang Protected Area sa bisa ng Presidential Proclamation No. 868. Ito ang tahanan ang ibat- ibang uri ng yamang- dagat, isda, pawikan, mammals at mga ibon. Dinadayo ito ng mga turista dahil sa likas nitong kagandahan.


SABLAYAN, Kanlurang Mindoro- Planong paigtingin pa ang proteksyon ng Apo Reef Natural Park upang higit pang mapangalagaan ang kilalang at pangalawa sa pinakamalaking coral atoll sa buong mundo laban sa anomang banta ng pagsira ng ibat- ibang iligalista sa karagatan.

Ang hakbanging ito ay inirekomenda ni Municipal Environment and Natural Resources Officer/ Task Force MARLEN (Municipal and Apo Reef Law Enforcement for Nature) Chairman Fernando B. Dalangin pagkaraang pasukin ang Apo Reef Natural Park ng mga iligalistang gumagamit ng speed boat at hinihinalang mula pa sa ibang bansa.

Ayon sa ulat Task Force Marlen, namataan nila nitong nakaraang Oktubre 12- 16, 2008 sa gawi ng Parolang Putol, Bahura 7 o Batong Lutang at Cajos del Bajo ang kahina- hinalang kilos ng dalawang (2) kulay abong speed boat na lulan ng tinatayang sampung tao at nakasuot ng mga damit na itim at isang barko sa di kalayuan.

Sa tuwing tatangkain ng TF Marlen na sila ay puntahan, agad itong nakakaalis sa bahaging sakop ng ARNP at dahil sa bilis ng kanilang sasakyan, hindi ito maabutan ng gamit nilang bangka sa pagpapatrolya.

Dahil dito, kolektibong plano ang agad na isinagawa nila Dalangin, Police Senior Inspector Gregardro A. Villar at Lt. Gerry Casalmer ng Philippine Army kung saan nabuo ang pagdagdag ng karagdagang pwersa at bangka upang masakote ang mga iligalista.

Ngunit dahil sa bilis ng sasakyang gamit ng mga iligalista, hindi rin ito nasakote ng mga operatiba ng TF Marlen, MENRO, pulisya at Philippine Army, CENRO- DENR, Lokal na Pamahalaan ng Sablayan at World Wide Fund (WWF) samantalang nakuha naman nila ang mga ebidensya sa iligal na gawain sa bahura at karagatan ng Sablayan.

Batay sa mga ebidensyang naiwan, ipinagbabawal sa ARNP ang gawain ng mga salarin. Nakuha at nakita ng mga operatiba ang sampu (10) patay na pawikan na nababalutan ng lambat samantalang tatlo (3) naman ang buhay pa at agad na pinakawalang ng TF Marlen sa karagatan.

Naalarma rin Dalangin sa istilo ng mga salarin, bukod sa paggamit ng mga ito ng speed boat, ang kulay ng mga ito ay kagaya ng mga sasakyan pandagat ng Philippine Navy at Presidential Security Group (PSG) ng bisitahin ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang isla nitong nakaraang buwan ng Abril 2008.

Inirekomenda rin ni Dalangin ang agarang aksyon ng Pamahalaang Lokal at Nasyunal upang makabili ng kahit dalawang (2) speed boat na regular na magsasagawa ng pagpatrolya sa karagatan.

Hinikayat din ni Dalangin ang pakikipagtulungan ng mga mangingisda at iba pang sektor sa pangangalaga at proteksyon ng Apo Reef Natural Park at pambayang katubigan ng Sablayan upang mapanatiling malakas ang industriya ng pangisdaan sa Sablayan at makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.

Bagamat hindi nasakote ang mga iligalista, ang kauna- unahang pangyayaring ito sa ARNP ang magsisilbing batayan ng mga taga- gawa at tagapagpatupad ng batas upang makapaglapat ng kaukulang mekanismo sa pangangalaga at proteksyon nito.

Matatandaan na noong mga nakaraang dekada, sinalanta na ng mga iligalista ang ARNP ngunit dahil sa aksyon ng Lokal na Pamahalaan ng Sablayan, Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, National Government at pakikipagtulungan ng ibat- ibang sektor, napagtibay ang Presidential Proclamation 1801 series of 1980, Sangguniang Bayan Resolution No. 1108, Series 1983, Presidential Proclamation No. 868 at Special Ordinance No. 2007- 01B na pawang naglalaman ng mga probisyon sa pangangalaga at proteksyon nito.

Nanawagan naman ang KAAGAPAY NGO- PO Network kay Kinatawan Ma. Amelita C. Villarosa at sa buong kapulungan ng Kongreso na ipasa na ang House Bill No. 03982 “An Act Establishing the Grand Apo Reef in Sablayan, Occidental Mindoro as a protected area under the classification of natural park and its peripheral waters as buffer zones, providing for its management, funds and for other purposes”.

Naniniwala ang nasabing environmental group of advocates sa Mindoro na sa pamamagitan ng nasabing batas, higit na mapapangalagaan ang ARNP laban sa mga iligalista at mapanira ng kalikasan.

Bukod, isa pang ordinansa ang napagtibay ng bayan ng Sablayan. Ito ay ang Special Ordinance No. 2008- SO002 na nagdedeklara sa Apo Reef Mainland, Apo Reef Menor (Binanggaan) at Cayos del Bajo (Tinangkapan) bilang mga isla na sakop ng Sablayan.

Ayon kay Sangguniang Bayan Rocky D. Legaspi, maidadagdag sa kabuuang land area ng Sablayan ang isla at maipapatupad ang mga batas pangkalikasang umiiral na pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Sablayan. Sa paraang ito, ang usapin sa hurisdiksyon ay naresolba na.

Ayon naman kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, Executive Director ng Upholding Life and Nature (ULAN) ang mga namatay at nahuling pawikan ay kabilang sa mga endanger species at pinagbabawal ng batas ang paghuli at pagpatay ng mga ito sa anomang paraan.

Binigyang diin naman nina Punong Bayan Godofredo B. Mintu at Pangalawang Punong Bayan Eduardo B. Gadiano ang pangangalaga at proteksyon ng ARNP at katubigang pambayan ng Sablayan ay katumbas ng pagpapahalaga sa kabuhayan ng mga mangingisda at pagpapalakas ng turismo.

Kinokondina anya ng Lokal na Pamahalaan ng Sablayan ang anomang paglabag sa batas katubigan at pangkalikasan.

Wednesday, October 29, 2008

PROTEKSYON NG TAMARAW, NGAYON NA!

ni Bongbong B. Marquez
Larawan sa itaas:Ang tamaraw (babalus mindorensis) na tanging sa isla lamang ng Mindoro matatagupuan. Larawan sa ibaba: Ang Bundok Iglit- Baco na idineklarang Protected Area dahil makikita dito ang maraming bilang ng tamaraw.

SABLAYAN, Kanlurang Mindoro- Sa bisa ng Proklamasyon ng Pangulo Bilang 273 na nilagdaan ng Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo noong Oktubre 2002, taunang ipinagdiriwang sa buwan ng Oktubre ang “Special Month for the Conservation and Protection of Tamaraw in Mindoro”.

Naglalayong higit na palawigin ang kaalaman at palakasin ang pagkakaisa ng namumuno sa pamahalaan at mamamayan sa konserbasyon at proteksyon ng tamaraw sa isla ng Mindoro.

Tanging sa Mindoro lamang ito matatagpuan. Isang hayop na kahawig ng kalabaw ngunit mas maliit, may mabangis na mukha, mailap ngunit may kakaunting bilang na lamang dahil sa pangangaso, pagkakaingin, pagpuputol ng mga puno at pagsira sa kabundukan ng siyang tahanan ng tamaraw.

Sa pagtaya ng Tamaraw Conservation Program (TCP), halos nasa 300 daan na lamang ito sa buong isla ng Mindoro kaya’t ang proteksyon at pangangalaga nito ay napapanahon.

Dahil dito, pinangunahan ni Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez- Sato ng Sangguniang Panlalawigan ng Kanlurang Mindoro ang programang pang- edukasyon sa kahalagahan pangangalaga sa tahanan ng tamaraw at proteksyon nito.

Inilunsad sa buong buwan ng Oktubre ang “Tamaraw Protection Info- Caravan” sa pamamagitan ng pagtatanghal ng ibat- ibang palatuntunang pampubliko na patungkol sa tamaraw.

Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan, Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman, Vice- Mayors League of the Philippines (VMLP), Philippine Councilors League (PCL), Liga ng mga Barangay, Sangguniang Kabataan (SK), League of Municipalities of the Philippines (LMP) Kagawaran ng Edukasyon at ibat- ibang sektor, nailunsad sa lahat ng bayan ng Kanlurang Mindoro ang nasabing info- caravan.

Ayon kay Punong Lalawigan Sato, ang pangangalaga sa tahanan at proteksyon ng tamaraw ay isa sa pangunahing pinagtutuunang pansin ng Pamahalaang Panlalawigan dahil ito ang nagpakilala sa isla ng Mindoro sa buong mundo.

Tiniyak rin ni Sato ang paglalaan ng pundo at kaukulang mekanismo sa proteksyon ng tamaraw. Gagawin anya ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng paraan upang hindi maglaho ang lahi ng tamaraw sa Mindoro. Pagtutulungan anya ang kailangan.

Nangako naman si G. Arnaldo G. Ventura, Principal IV ng Sablayan Comprehensive National High School (SABNAHIS) na isasama nila sa pagtuturo ang kahalagahan ng tamaraw. Ang grupo rin ni Ventura ang nanguna sa pag- ikot sa lahat ng bayan ng Kanlurang Mindoro bilang bahagi ng IEC.

Binigyang diin naman ni Pangalawang Punong Bayan Eduardo B. Gadiano ng Sablayan na ang pangangalaga tahanan at proteksyon ng tamaraw ay hindi lamang tuwing sasapit ang buwan ng Oktubre kundi ito ay moral na obligasyon ng lahat ng mga taga Mindoro at walang pinipiling panahon.

Ipinagmalaki rin ni Gadiano ang Environmental Code, Forest Management Plan at 25- year mining moratorium ordinance ng Sablayan na tumitiyak ng kaukulang programa ng pangangalaga at parusa sa sinomang sisira ng kalikasan, kabundukan, kasama ang tahanan ng tamaraw sa anomang paraan.

Ayon kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, JD. Msc. ng grupong Upholding Life and Nature (ULAN) sapat anya ang mga batas ng Pilipinas, lokal man o nasyunal o proteksyunan ang tamaraw, mga hayop ilang at ang kanilang panahanan. Isa na rito ang Batas Republika Bilang 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”. Kailangan lamang diumano ng maayos at seryosong pagpapatupad, edukasyon at pagtutulungan ng gobyerno, mamamayan at pribadong sektor.

Pangungunahan naman ng KAAGAPAY NGO- PO Network at pagbuo ng Mindoro Sagip Kalikasan (MSK) at paglalagay ng tsapter sa lahat ng barangay at bayan at magsisilbing organisadong grupo at tagabantay ng kalikasan. Ayon kay Arcris D. Canillo ng Kaagapay ito, inisyatiba ng komunidad ang MSK bilang kanilang kontribusyon sa inang kalikasan at proteksyon ng tamaraw.

Monday, September 22, 2008

PANININDIGAN LABAN SA PAGMIMINA, ISINABATAS SA ISLA NG LOOC-LUBANG

ni Bongbong B. Marquez

ISLA NG LUBANG, Kanlurang Mindoro- Ganap na isinabatas ng bayan ng Looc ang kanilang paninindigan laban sa pagmimina sa isla sa pamamagitan ng pagpapatibay sa Pambayang Ordinansa Bilang 09, Serye 2008 o “Ordinansang nagtatakda ng 25 taon moratoryum sa pagmimina sa bayan ng Looc”.

Ayon kina Presiding Officer Pro- Tempore Marlon V. de la Torre, mga Sangguniang Bayan na sina Reynaldo V. Trambulo, Leonardo D. Tristan, Dionisio T. Tividad, Jose M. Ambrocio, Rommel T. Villar, Ponciano V. Villas, Marissa A. Gumandoy, ABC President Edgardo L. Tria at SK Federation President Johnsen Clyde T. de Lemos, minabuti nila anyang isinabatas ang paninindigan ng Lokal na Pamahalaan ng lahat ng sektor sa Looc upang masagkaan anya nila ang anomang banta ng pagmimina sa isla.

Binigyang diin naman ni Punong Bayan Benjamin N. Tria na hindi angkop ang pagmimina sa isang maliit na bayan ng Looc. Inihalintulad niya ang naging karanasan ng isla ng Rapu- Rapu sa lalawigan ng Albay kung mas malaki ang napinsala kaysa sinasabing pakinabang mula sa industriya ng pagmimina.

Ayon pa kay Punong Bayan Tria, mas pinahahalagahan ng Lokal na Pamahalaan ng Looc ang likas kaya at sustinableng pag- unlad kaysa proyektong sisira ng kalikasan.

Ang mayabong na kalikasan ng Looc ay may kaugnayan sa masaganang ani sa sakahan at maraming huling isda sa karagatan. Ito ang buhay sa isla.

Samantala sa bayan ng Lubang, ipinasa ng Sangguniang Bayan ang Resolusyon Bilang 04, Serye 2008 na inihain ni Sangguniang Bayan Wilbert T. Daulat na nagpapahayag ng maigting na oposisyon sa anomang banta at operasyon ng pagmimina.

Para kay Punong Bayan Juan M. Sanchez, ang nasabing resolusyon ay paunang hakbangin lamang ng Lubang habang isinasagawa pa ang mga konsultasyon para sa pagpapatibay ng moratorium ordinance kagaya ng ipinasa na ng bayan ng Sablayan, Abra de Ilog at Looc.

Hindi anya ikokompormiso ng Lokal na Pamahalaan ang kalikasan, agrikultura, mayaman pangisdaan at eko- turismo sa pangako pag- unlad ng mga kompanya sa pagmimina.

Sa magkakahiwalay na panayam, ipinagmalaki pa nina Punong Bayan Benjamin N. Tria ng Looc at Punong Bayan Juan M. Sanchez ang isang Memorandum of Agreement na nilagdaan sa pagitan ng dalawang bayan sa isla at Conservation International na naglalaman ng tulungan sa pangangalaga ng karagatan at pagtiyak sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan.

Ayon naman kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, JD. Msc., Executive Director ng Upholding Life and Nature (ULAN), napapanahon ang pag- aakda ng mga polisiyang nangangalaga sa kalikasan sa mga panahong ito, lalo na’t ang Pilipinas ay nahaharap sa banta at apekto ng pagbabago ng klima na siyang isa sa pangunahing problema ng mundo.

Sa panig naman ng ibat- ibang kompanya ng pagmimina, patuloy silang manliligaw sa mga Lokal na Pamahalaan at mga tumututol na mamamayan upang mapayagan ang pagbubukas ng industriya sa ilalim ng Pamahalaang Gloria Macapagal- Arroyo.

Susundin anya nila ang mga probisyon ng Philippine Mining Act of 1995.

Wednesday, September 3, 2008

KASUNDUAN SA PAKIKIPAGKAPATIRAN APROBADO SA ABRA DE ILOG AT MAKATI

ni Bongbong B. Marquez


Malugod na tinanggap ni Punong Lungsod Jejomar C. Binay ng Makati ang delegasyon ng bayan ng Abra de Ilog sa pamumuno ni Punong Bayan Eric A. Constantino sa pormal na paglagda ng Kasunduan sa Pakikipagkapatiran ng Makati at Abra de Ilog.


LUNGSOD NG MAKATI- Pinagtibay kamakailan lamang ang Kasunduan ng Pakikipagkatiran sa pagitan ng Lungsod ng Makati at Bayan ng Abra de Ilog, Lalawigan ng Kanlurang Mindoro na ginanap sa mismong tanggapan ni Punong Lungsod Jejomar C. Binay kung saan sinaksihan ito nina Pangalawang Punong Bayan Floro A. Castillo, Sangguniang Bayan Reynaldo T. Belen, Bernardo J. Dacayana, Jr., Nicanor C. Polinag, Iluminado E. Ricalde, Ireneo M. Cortuna, Maximino H. Alvarez, Orlando R. Quito, Manolo A. Zoleta, ABC President Rouseller M. de Jesus at SK Federation President Deo Vadylyn M. Obrador ng Abra de Ilog samantalang mga opisyales naman ng lungsod sa panig ng Makati.

Layunin ng nasabing kasunduan na palakasin ang relasyon at pagkakaibigan ng Abra de Ilog at Makati para sa malakas na ekonomiya at pagpapaunlad ng siyensya at teknolohiya, kultura at sining, turismo, mahusay na pagpaplano, urbanidad, komersyo at pakikipagkalakalan, edukasyon at pagpapaunlad ng palakasan, proteksyon ng kapaligiran, kasiguruhan sa kalusugan ng publiko at pagkakaloob ng mga batayang serbisyo at iba pang pangkagalingang programa at proyekto.

Ayon kay Punong Lungsod Jejomar C. Binay isang mahalagang inisyatiba ng Pamahalaang Lokal ang ganitong klase ng pakikipagkapatiran upang higit na mapalakas ang diwang makabansa at maka- Pilipino. Isang dakilang kultura at kaugalian ng mga Pilipino. Mahalaga anya ang pagtutulungan sa panahong ito lalo na’t ang bansang Pilipinas ay nahaharap sa krisis sa ekonomiya at pagkain.

Binigyang diin naman ni Punong Bayan Eric A. Constantino ng Abra de Ilog na maitatala sa kasaysayan ng Mindoro at Abra de Ilog ang pakikipagkapatirang ito sa isa sa malaki at pinakamayamang lungsod sa bansa.

Bukod sa kauna- unahan ang inisyatibang ito sa Kanlurang Mindoro, inaasahang ang anomang bunga ng pakikipagkapatiran ay patungo sa matibay na relasyon, pagtutulungan at pangkalahatang kagalingan ng Abra de Ilog at Makati.

Ipinagmalaki pa ni Constantino na kahit isang maliit na bayan ang Abra de Ilog, hindi dehado ang Makati sa usaping tulungan sapagkat nasa Abra de Ilog anya ang ilan sa mahalagang pangangailangan ng lungsod kagaya ng pagkain, isda at lakas paggawa.

Dagdag pa dito ang probisyon sa pangangalaga ng kalikasan na tumitiyak sa matibay na paninindigan ng Abra de Ilog laban sa pagmimina kahit pa nasa Makati ang opisina ng mga kompanya ng minahan.

Bagama’t wala pa anyang ispisipikong programa at proyekto ang pagtutulungan ng Makati at Abra de Ilog, naniniwala si Sangguniang Bayan Ireneo M. Cortuna na isa na itong hudyat ng kaunlaran na at matatag na ekonomiya. Arya Abra, Arya pa, ika nga.

Tuesday, September 2, 2008

LEGISLATIVE MEASURES NG SABLAYAN PASOK SA e-LEGIS REFERENCE SYSTEM

ni Bongbong B. Marquez


LEGISLATIVE MEASURES CHAMP: Si Sablayan Vice- Mayor at Occ. Mindoro VMLP President Eduardo B. Gadiano habang ipinakikita ang ngiti ng kagalakan sa pagkakapili ng Sablayan sa e- Legis Reference System ng VMLP



Napili bilang "PILOT LGUs" ang bayan ng Sablayan, Kanlurang Mindoro sa e- Legis Reference System ng Vice- Mayors League of the Philippines (VMLP) at Department of Interior and Local Government (DILG) matapos maisagawa ang ebalwasyon sa ipinapasang resolusyon at ordinansa ng bawat bayan at lungsod sa buong Pilipinas.

Ayon kina Cebu City Vice- Mayor at VMLP National President Michael L. Rama at Tagum City Vice- Mayor at VMLP Secretary- General Allan L. Rellon, natatangi ang mga inisyatibang pang lehislatura ng bayan ng Sablayan sa pamumuno ni Vice- Mayor at VMLP Occidental Mindoro President Eduardo B. Gadiano na dapat anyang tularan ng lahat ng mga lungsod at bayan sa buong bansa.

Ilan sa mga ito ay ang kodipikasyon ng mga batas na nakapaloob sa pangkalahatang ordinansa, kodigo ng ordinansang pangkalikasan, kodigo ng ordinansa sa kapakanan at karapatan ng mga bata, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pamilihang bayan, kodigo ng ordinansa sa pangangasiwa ng pantalan, kodigo ng ordinansa sa lingkurang pambayan, kodigo ng ordinansa sa pagbubuwis at iba pa, samantalang ang mga ipinapasang resolusyon naman ay tumutugon sa General Government Measures (GGM) Social Development Measures (SDM) at Economic Development Measures (SDM).

Ikinagalak ni Gadiano ang pagkilalang ito ng Vice- Mayors League of the Philippines sa mahalagang papel na ginagampan ng Sanggunian Bayan ng Sablayan at Pinunong Nangungulo sa pagpapasa ng mga resolusyon at pagpapatupad ng mga programa at proyektong tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang diin pa ni Gadiano na anomang proyektong pinatutupad ng Punong Bayan ay dumadaan sa masusing pag- aaral, pagsang- ayon ng Sanggunian at paglalapat ng kaukulang lehislasyon.

Ito anya ang diwa ng check and balance system sa pamamahala. Dapat anyang malaman ng taong bayan na anomang proyekto at programa ipinatutupad ng ehekutibo ay may kaukulang lehislasyon at maaaring ituring na iligal kung wala nito.

Mahalagang maunawaan anya ito ng taong bayan upang ang kredito sa mga programa at proyekto ay hindi lamang sa ehekutibo.

Sa pamamagitan ng VMLP e- Legis Reference System, hindi lamang taga- Sablayan ang makikinabang sa lehislasyon nito kundi ang iba pang bayan at lunsod sa buong kapuluan.

Ang karangalang ito ay malugod na tinanggap ng mga mamamayan ng Sablayan. Ayon kay Liga ng mga Barangay Direktor at Punong Barangay ng Ilvita Noel A. Yasay, isang huwarang namumuno si Gadiano at ang kagaya niya ang kailangan ng Sablayan.