Wednesday, October 29, 2008

PROTEKSYON NG TAMARAW, NGAYON NA!

ni Bongbong B. Marquez
Larawan sa itaas:Ang tamaraw (babalus mindorensis) na tanging sa isla lamang ng Mindoro matatagupuan. Larawan sa ibaba: Ang Bundok Iglit- Baco na idineklarang Protected Area dahil makikita dito ang maraming bilang ng tamaraw.

SABLAYAN, Kanlurang Mindoro- Sa bisa ng Proklamasyon ng Pangulo Bilang 273 na nilagdaan ng Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo noong Oktubre 2002, taunang ipinagdiriwang sa buwan ng Oktubre ang “Special Month for the Conservation and Protection of Tamaraw in Mindoro”.

Naglalayong higit na palawigin ang kaalaman at palakasin ang pagkakaisa ng namumuno sa pamahalaan at mamamayan sa konserbasyon at proteksyon ng tamaraw sa isla ng Mindoro.

Tanging sa Mindoro lamang ito matatagpuan. Isang hayop na kahawig ng kalabaw ngunit mas maliit, may mabangis na mukha, mailap ngunit may kakaunting bilang na lamang dahil sa pangangaso, pagkakaingin, pagpuputol ng mga puno at pagsira sa kabundukan ng siyang tahanan ng tamaraw.

Sa pagtaya ng Tamaraw Conservation Program (TCP), halos nasa 300 daan na lamang ito sa buong isla ng Mindoro kaya’t ang proteksyon at pangangalaga nito ay napapanahon.

Dahil dito, pinangunahan ni Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez- Sato ng Sangguniang Panlalawigan ng Kanlurang Mindoro ang programang pang- edukasyon sa kahalagahan pangangalaga sa tahanan ng tamaraw at proteksyon nito.

Inilunsad sa buong buwan ng Oktubre ang “Tamaraw Protection Info- Caravan” sa pamamagitan ng pagtatanghal ng ibat- ibang palatuntunang pampubliko na patungkol sa tamaraw.

Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan, Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman, Vice- Mayors League of the Philippines (VMLP), Philippine Councilors League (PCL), Liga ng mga Barangay, Sangguniang Kabataan (SK), League of Municipalities of the Philippines (LMP) Kagawaran ng Edukasyon at ibat- ibang sektor, nailunsad sa lahat ng bayan ng Kanlurang Mindoro ang nasabing info- caravan.

Ayon kay Punong Lalawigan Sato, ang pangangalaga sa tahanan at proteksyon ng tamaraw ay isa sa pangunahing pinagtutuunang pansin ng Pamahalaang Panlalawigan dahil ito ang nagpakilala sa isla ng Mindoro sa buong mundo.

Tiniyak rin ni Sato ang paglalaan ng pundo at kaukulang mekanismo sa proteksyon ng tamaraw. Gagawin anya ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng paraan upang hindi maglaho ang lahi ng tamaraw sa Mindoro. Pagtutulungan anya ang kailangan.

Nangako naman si G. Arnaldo G. Ventura, Principal IV ng Sablayan Comprehensive National High School (SABNAHIS) na isasama nila sa pagtuturo ang kahalagahan ng tamaraw. Ang grupo rin ni Ventura ang nanguna sa pag- ikot sa lahat ng bayan ng Kanlurang Mindoro bilang bahagi ng IEC.

Binigyang diin naman ni Pangalawang Punong Bayan Eduardo B. Gadiano ng Sablayan na ang pangangalaga tahanan at proteksyon ng tamaraw ay hindi lamang tuwing sasapit ang buwan ng Oktubre kundi ito ay moral na obligasyon ng lahat ng mga taga Mindoro at walang pinipiling panahon.

Ipinagmalaki rin ni Gadiano ang Environmental Code, Forest Management Plan at 25- year mining moratorium ordinance ng Sablayan na tumitiyak ng kaukulang programa ng pangangalaga at parusa sa sinomang sisira ng kalikasan, kabundukan, kasama ang tahanan ng tamaraw sa anomang paraan.

Ayon kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, JD. Msc. ng grupong Upholding Life and Nature (ULAN) sapat anya ang mga batas ng Pilipinas, lokal man o nasyunal o proteksyunan ang tamaraw, mga hayop ilang at ang kanilang panahanan. Isa na rito ang Batas Republika Bilang 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”. Kailangan lamang diumano ng maayos at seryosong pagpapatupad, edukasyon at pagtutulungan ng gobyerno, mamamayan at pribadong sektor.

Pangungunahan naman ng KAAGAPAY NGO- PO Network at pagbuo ng Mindoro Sagip Kalikasan (MSK) at paglalagay ng tsapter sa lahat ng barangay at bayan at magsisilbing organisadong grupo at tagabantay ng kalikasan. Ayon kay Arcris D. Canillo ng Kaagapay ito, inisyatiba ng komunidad ang MSK bilang kanilang kontribusyon sa inang kalikasan at proteksyon ng tamaraw.

No comments: