Thursday, November 6, 2008

PROTEKSYON NG APO REEF, PAIIGTINGIN PA

ni Bongbong B. Marquez


Ang Apo Reef Natural Park sa Sablayan, Kanlurang Mindoro ay idineklarang Protected Area sa bisa ng Presidential Proclamation No. 868. Ito ang tahanan ang ibat- ibang uri ng yamang- dagat, isda, pawikan, mammals at mga ibon. Dinadayo ito ng mga turista dahil sa likas nitong kagandahan.


SABLAYAN, Kanlurang Mindoro- Planong paigtingin pa ang proteksyon ng Apo Reef Natural Park upang higit pang mapangalagaan ang kilalang at pangalawa sa pinakamalaking coral atoll sa buong mundo laban sa anomang banta ng pagsira ng ibat- ibang iligalista sa karagatan.

Ang hakbanging ito ay inirekomenda ni Municipal Environment and Natural Resources Officer/ Task Force MARLEN (Municipal and Apo Reef Law Enforcement for Nature) Chairman Fernando B. Dalangin pagkaraang pasukin ang Apo Reef Natural Park ng mga iligalistang gumagamit ng speed boat at hinihinalang mula pa sa ibang bansa.

Ayon sa ulat Task Force Marlen, namataan nila nitong nakaraang Oktubre 12- 16, 2008 sa gawi ng Parolang Putol, Bahura 7 o Batong Lutang at Cajos del Bajo ang kahina- hinalang kilos ng dalawang (2) kulay abong speed boat na lulan ng tinatayang sampung tao at nakasuot ng mga damit na itim at isang barko sa di kalayuan.

Sa tuwing tatangkain ng TF Marlen na sila ay puntahan, agad itong nakakaalis sa bahaging sakop ng ARNP at dahil sa bilis ng kanilang sasakyan, hindi ito maabutan ng gamit nilang bangka sa pagpapatrolya.

Dahil dito, kolektibong plano ang agad na isinagawa nila Dalangin, Police Senior Inspector Gregardro A. Villar at Lt. Gerry Casalmer ng Philippine Army kung saan nabuo ang pagdagdag ng karagdagang pwersa at bangka upang masakote ang mga iligalista.

Ngunit dahil sa bilis ng sasakyang gamit ng mga iligalista, hindi rin ito nasakote ng mga operatiba ng TF Marlen, MENRO, pulisya at Philippine Army, CENRO- DENR, Lokal na Pamahalaan ng Sablayan at World Wide Fund (WWF) samantalang nakuha naman nila ang mga ebidensya sa iligal na gawain sa bahura at karagatan ng Sablayan.

Batay sa mga ebidensyang naiwan, ipinagbabawal sa ARNP ang gawain ng mga salarin. Nakuha at nakita ng mga operatiba ang sampu (10) patay na pawikan na nababalutan ng lambat samantalang tatlo (3) naman ang buhay pa at agad na pinakawalang ng TF Marlen sa karagatan.

Naalarma rin Dalangin sa istilo ng mga salarin, bukod sa paggamit ng mga ito ng speed boat, ang kulay ng mga ito ay kagaya ng mga sasakyan pandagat ng Philippine Navy at Presidential Security Group (PSG) ng bisitahin ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang isla nitong nakaraang buwan ng Abril 2008.

Inirekomenda rin ni Dalangin ang agarang aksyon ng Pamahalaang Lokal at Nasyunal upang makabili ng kahit dalawang (2) speed boat na regular na magsasagawa ng pagpatrolya sa karagatan.

Hinikayat din ni Dalangin ang pakikipagtulungan ng mga mangingisda at iba pang sektor sa pangangalaga at proteksyon ng Apo Reef Natural Park at pambayang katubigan ng Sablayan upang mapanatiling malakas ang industriya ng pangisdaan sa Sablayan at makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.

Bagamat hindi nasakote ang mga iligalista, ang kauna- unahang pangyayaring ito sa ARNP ang magsisilbing batayan ng mga taga- gawa at tagapagpatupad ng batas upang makapaglapat ng kaukulang mekanismo sa pangangalaga at proteksyon nito.

Matatandaan na noong mga nakaraang dekada, sinalanta na ng mga iligalista ang ARNP ngunit dahil sa aksyon ng Lokal na Pamahalaan ng Sablayan, Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, National Government at pakikipagtulungan ng ibat- ibang sektor, napagtibay ang Presidential Proclamation 1801 series of 1980, Sangguniang Bayan Resolution No. 1108, Series 1983, Presidential Proclamation No. 868 at Special Ordinance No. 2007- 01B na pawang naglalaman ng mga probisyon sa pangangalaga at proteksyon nito.

Nanawagan naman ang KAAGAPAY NGO- PO Network kay Kinatawan Ma. Amelita C. Villarosa at sa buong kapulungan ng Kongreso na ipasa na ang House Bill No. 03982 “An Act Establishing the Grand Apo Reef in Sablayan, Occidental Mindoro as a protected area under the classification of natural park and its peripheral waters as buffer zones, providing for its management, funds and for other purposes”.

Naniniwala ang nasabing environmental group of advocates sa Mindoro na sa pamamagitan ng nasabing batas, higit na mapapangalagaan ang ARNP laban sa mga iligalista at mapanira ng kalikasan.

Bukod, isa pang ordinansa ang napagtibay ng bayan ng Sablayan. Ito ay ang Special Ordinance No. 2008- SO002 na nagdedeklara sa Apo Reef Mainland, Apo Reef Menor (Binanggaan) at Cayos del Bajo (Tinangkapan) bilang mga isla na sakop ng Sablayan.

Ayon kay Sangguniang Bayan Rocky D. Legaspi, maidadagdag sa kabuuang land area ng Sablayan ang isla at maipapatupad ang mga batas pangkalikasang umiiral na pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Sablayan. Sa paraang ito, ang usapin sa hurisdiksyon ay naresolba na.

Ayon naman kay Atty. Ronaldo R. Gutierrez, Executive Director ng Upholding Life and Nature (ULAN) ang mga namatay at nahuling pawikan ay kabilang sa mga endanger species at pinagbabawal ng batas ang paghuli at pagpatay ng mga ito sa anomang paraan.

Binigyang diin naman nina Punong Bayan Godofredo B. Mintu at Pangalawang Punong Bayan Eduardo B. Gadiano ang pangangalaga at proteksyon ng ARNP at katubigang pambayan ng Sablayan ay katumbas ng pagpapahalaga sa kabuhayan ng mga mangingisda at pagpapalakas ng turismo.

Kinokondina anya ng Lokal na Pamahalaan ng Sablayan ang anomang paglabag sa batas katubigan at pangkalikasan.

No comments: